Saturday, February 28, 2009

DARK MISSION


Dark Mission
“May Pag-Ibig na Imposible Ngunit Nagkakatotoo”

Sinopsis

Si Tanya Salerno ay isang abogada na ngayon ay bahagi na rin ng law office na pinamamahalaan ng kanyang ama. Isa siya sa sampung examinees na nagtamo ng pinakamataas na marka. Tunay na maituturing na isa itong karangaralan sapagkat ang pagiging abugago ay halos itinuturing na mundo lamang ng mga Adan, ng mga malalakas at walang puwang para sa mga Eba. Datapwat ganito ang sitwasyon isinalang lamang siya bilang isang “junior partner” bagay na tila isang punyal na pumukol sa kanyang pride bilang abagoda. Isa ang kanyang ama na si Atty. Fidel Salerno sa mga founding partner ng kompanya, hiligi kung maituturing, kaya naman inasahan ni Tanya na mabibigyan siya ng isang mataas na posisyon. Aniya, ang abogada na nasa kanyang kalibre ay nararapat lamang bigyan ng espesyal na trato. Subalit ayon sa kanyang ama, ganoon daw talaga ang kanilang batas, patakaran na hindi maaaring baliin kahit anak pa niya ang humihingi. Kailangan magsimula muna ito sa mababang posisyon at magpanalo ng kaso upang mapatunayan ang kanyang kagalingan. Tila may katwiran ang ama, wala dapat paborang sinuman, kahit pa ang anak, dapat ay pantay-pantay. Sa ganitong paraan, makakatamo siya ng respeto mula sa kapwa at makakaiwas mula sa batikos ng ibang tao.
Ayon kay Tanya, mahaba pa ang kanyang hihintayin at nais na niyang makakuha ng isang mahalagang kaso na mahawakan. Ang maging junior partner ani pa niya ay tila isang ahas na tulog, inikumpara niya ito sa pagbibilang ng poste. Alog na ang baba ng kanyang ama at sa hindi inaasahang pangyayari, sumakit ang dibdib nito at nawalan ng malay-tao. Iniutos ng kanyang doktor na kailangan niya ng kumpletong pahinga. May kasong hinahawakan noon ang ama tungkol sa kaso ni Gng. Leroy. Sangkot dito ang kanyang panghingi na isang milyong piso sa isang kumpanya. Inutusan ng ama si Tanya na magtungo sa husgado upang ipagpaliban ang pagdinig sa kaso. Gayun pa man, nagtaingang-kawali ang dalaga at ipinagkibit-balikat ang sinabi ng ama. Sa kagustuhang patunayan ang sarili, kinuha niya ang kaso na lingid sa kaalaman ng ama. Ngunit tila isang dagok sa kapalaran na natalo si Tanya. Hindi malaman ni Tanya kung paanong paliwanag ang gagawin sa ama. Subalit walang natatago na di nalalantad at walang lihim na di nabubunyag. Umuusok ang tuktok ng ama at nagwika na ang kanyang pagiging hindi mahayapang gatang ang nagbunsod sa kapahamakan ni Gng. Leroy at ng sarili na rin niya. May awa pa rin ang Diyos at maaari pang iapila ang kaso. Ngunit ang pangyayari ding ito ang lumamat sa samahan ng mag-ama. Hindi lamang sa itiniwalag nito sa trabaho ang anak ngunit itinakwil rin nito si Tanya at pinalayas sa kanilang kubkuban bagay na ikinasama ng loob ni Tanya.
Tila noon lamang nakilala ng anak ang ama. Hindi maipagkakaila na mabait at mapagbigay ang ama ngunit napakasamang magalit. Matigas gaya ng bato ang puso nito lalo na at nasa katwiran ang himutok. Inihanda na ni Tanya ang sarili na magdildil ng asin, at kalamayin ang loob. Pag-uwi nito ay nagpaalam ito sa kanyang Ina na walang magawa sa trahedyang sinusuong ng kanyang pamilya at tinangay ang mga gamit niya. Nakakuha naman siya ng isang katamtamang apartment sa Paranaque at walang inaksayng oras upang humanap ng bagong mapapasukan. Hindi naging pasyal sa parke ang kanyang paghahanap. Marami siyang inaplayan ngunit, wala ni isa ang tumanggap. Isa lamang na matanda na abogado ang tumanggap sa kanya ng walang isang salita at pag-aalinlangan, si Atty. Fernando Arcenas. Hindi nga lamang ito abagodo de kampanilya ngunit wala sa posisyon si Tanya upang tumanggi.
Isang araw dumalaw sa law office ng boss niya ang anak nito na isa ring abogado pero wala sa private practice dahil pumasok daw na isang regular agent sa National Bureau of Investigation. Matanda lamang sa kanya ng apat na taon si Atty. Juno Arcenas. Matangkad, moreno at maginoo ito, mabait at lalaking-lalaki ang dating. Inalok niya ang dalaga na maging NBI agent tulad niya. Natigilan lamang ang dalaga. Mahilig siya adventure, ngunit nahihiya itong iwan si Atty. Fernando na siyang unang sumugal sa kanya ng siya’y tanggapin nito. Wala siyang takot na sumugba sa ningas, noong bata nga siya tila babae siyang may uwang sa puwit, malikot at napakausisa. Noong una’y tila nagdadalawang-isp pa si Tanya ngunit kinumbinsi ito ni Juno.
Isinama ni Juno ang ating Gabriela Silang sa NBI. Matapos ang interview, napahanga ang mga opisyal ng ahensya sa scholastic records niya at sa mahusay nitong pagsagot. Walang kaalam-alam ang kanyang pamilya sa kanyang pinasok. Sinadya niya itong ilihim lalo na sa kanyang ama. Mag-aapat na buwan na siya sa NBI nang maatasan sila ni Juno sa isang misyon. Kailangan nilang buntutan ang ilang suspects sa drug trafficking. Noon din ay ipinagtapat ni Juno kay Tanya ang matagal ng kutob ng dalaga. May psychic powers ang binata, isang uri ng sixth sense na minana pa ng binata mula sa ninuno ng kanyang ina. Pinuri dn ni Juno ang pagiging malakas ang loob ng dalaga. Matatag si Tanya at hindi basta nasisindak—mga mahuhusay na katangian ng isang nagtatrabaho sa NBI. Ngunit pinaalalahanan ng binata si Tanya na ang labis na kapusukan ay mapanganib ...bagay na madalas makalimutan ng dalaga.
Minsan nalagay sa panganib ang buhay ng dalaga dahil sa isang misyon na minsan pa ay ipinagsarili niya. Nagpanggap siya na callgirl upang mahuli ang isang pinaghahanap na rapist. Hindi napaghandaan ng ating babaeng ahente ang manyakis at hayuk na hayok na rapist. Nasaksak malapit sa kilikili si Tanya at nakatakas ang rapist. Maraming dugo ang bumulwak at umagos mula kat Tanya. Agad namang nakarating sa ospital si Juno. Nakangiti pa rin sa kanila ang tadhana dahil kapwa sila type AB. Mabilis na nakarekober ang ahente. Laking pasasalamat ni Tanya kay Juno, nangako ito na balang araw siya naman ang sasagip sa buhay nito. Hindi man nila inaasahan, naambunan din ng psychic powers si Tanya buhat ng sinalinan siya ng dugo ni Juno. Ito ay labis na nakatulong sa kanilang mga sumunod at susunod na misyon.
Isang gabi, kapwa iisa ang kanilang naging panaginip. Binuksan nila ang kanilang dibdib para sa isa’t-isa.. Sa pagluhog ni Juno ng kanyang pagkasi at pamimintuho kay Tanya, tinugunan din niya ito ng kanyang pagliyag. Nangako sila sa isa’t-isa na magiging tapat sa isa’t-isa, na walang iwanan. Sumumpa rin sila na magiging magkasama sa bawat assignment. Buhat nga noon ang dalawa ay naging magkahiramang-suklay—magkaramay at magkasalong sinusuong ang bawat panganib ng kanilang mga misyon. Ang dalawa ay magkabungguang-balikat sa bawat paglutas ng mga krimen at msiyon.
Isang araw, nag-text kay Juno Arcenas ang boss nila na si Atty. Alec Fajardo. Maselan at confidential ang kanilang pinag-usapan. Pinapupunta nito ang NBI agent upang ibigay ang magiging assignment niya sa linggong iyon. Delikado at mapangahas ang msiyon at kailangan na solo niya itong gawin. Samakatwid, hindi niya makakasama si Tanya. Ang misyon ay iikot sa misteryosong pagkawala ng ilang tao at estudyante mula sa Palawan. Hinihinala na may kinalaman dito ang isang Russian Scientist na nagngangalang Ivanoff Staznik. Nakatira daw ito sa isang pribadong isla sa Palawan na kinaluluklukan ng kanyang laboratoryo. Nagsasagawa daw ito ng research at assignments. Marami na daw na alagad ng batas na nagmasid sa mga pribadong isla sa Bacuit Bay ngunit wala daw mahanap na laboratoryo ang mga kinauukulan.
Hindi ito ipinag-alam ni Juno kay Tanya. Ibinigay ni Atty. Fajardo sa kanya ang file ng pangalan ng mga nawawalang estudyante at mangingisda, at ang ID na gagamitin niya bilang mangingisda—upang maging cover-up. Upang hindi maghinala si Tanya, pinaresearch siya sa Quezon ng ilang importanteng pagsasaliksik. Natapos ng maaga si Tanya sa kanyang saliksik. Ilang-ulit siyang nag-text at tumawag kay Juno ngnit ni isa rito ay wala siyang natanggap na sagot. Pinuntahan niya si Atty. Fajardo upang magtanong ngunit idinepensa nito na confidential ang assignment niya. Disgustado man si Tanya, wala siyang nagawa kundi maghintay. Sabik na siyang makasama ang kasintahan sa muli nitong pagbabalik.
Halos wala nang malay si Juno nang ipadpad siya sa isla. Nakita siya ng isang matandang lalaki. Maputi na ang buhok at bigote, tila isang banyaga ngunit matatas magtagalog. Tama ang kutob ni Jiuno, ang asal-Hudas at alog na ang baba na taong ito ay si Staznik. Dinala ng scientist si Juno na hindi ibinunyag ang totoo niyang pagkatao sa kanyang tirahan. Nagpakilala siya bilang si Andres Tobias. Samantala, ipinakilala ni Ivanoff sa kanya si Trining. Isa siyang babae na puti na rin ang buhok. Nakita ng doktor na malaki ang potensyal ni Juno kaya naman inalok din ni Ivanoff si Juno ng trabaho bilang assistant niya sa laboratoryo. Malaki ang suweldo at nasa dolyar. Ang gagawin lamang niya ay magpapakain ng mga alaga niya sa basement—mga hayop na medyo mababangis kaya kailangan ng ibayo niyang pagiiingat.
Marami siyang nakitang mga kakaibang bagay, nakaririnig din ang isipan niya ng mga pananghoy, ungol at mga nakalulunos na tinig. Nang oras na upang pakainin ang mga nilalang sa basement, sa bukana pa lang, nakakasulasok ang amoy ang nalanghap ni Juno. Sumambulat sa kanya ang isang katawang tao na ang ulo ay isang bakulaw. May isa rin na puno ng kaliskis ng ahas ang buong katawan at ang dila ay isang ahas. Dahil sa kalagimang nasaksihan, nagsimulang pangatugan ng katawan si Juno. Halos ipinain niya ang sarili para sa impyerno.
Natiyempuhan ni Juno minsan upang kausapin si Trining. Ipinagtapat ng huli sa kanya na ang mga nasa basement ay ang mga mangingisda at estudyante na nahulog sa kamay ng asal-Hudas na scientist. Tulad ng mga nasa basement, isa rin siyang bihag ng doktor. Tila sinusubukan talaga sila ng kapalaran dahil lingid sa kaalaman nila, nasundan sila ni Ivanoff. Pagkabalik ay pinatulog nito ang dalawa at hindi nila namalayan, itinali sila nito sa operating table at tinurukan ng isang gamot. Isa na ngayong makapangyarihang taong halimaw si Juno dahil nananalaytay na sa kanyang dugo ang dugo ng isang napakalaking bakulaw tila isang lobo o wolf sa Ingles. Tumakas ito kasama si Aling Trining na naturukan din at naging halimaw mula sa scientist at nanuluyan sa pusod ng gubat. Biglang sumagi sa isip niya si Tanya. Mamahalin pa kaya siya nito kahit pa ganito na ang kanyang anyo? Mahahagkan pa kaya siya nito sa kabila ng pagiging halimaw nito?
Narinig ni Tanya ang panaghoy ni Juno. Bumalikwas siya at nagtungo sa tanggapan ni Atty. Fajardo. Isang buwan na rin si Juno sa Palawan at hindin sila nakatatanggap ng anumang mensahe mula kay Juno. Ipinasya ni Tanya na sundan si Juno sa Palawan, baon man o hindi ang pahintulot ng amo. Nagtungo siya sa Isla Verde, isang isla sa Bacuit Bay. Ito ay may malaki at masukal na kagubatan. Nagimbestiga si Tanya sa kalapit nitong pook at kinuha ang cell phone number ng scientist mula sa punong-guro ng eskwelahan upang mag-apply bilang nursing aide. Sinalubong ng scientist si Tanya at iniikot sa isla at kanyang tahanan.
Hindi nag-usisa si Tanya tungkol kay Juno Arcenas. Naging maingat siya dahil sa ayaw nito na mabuko siya nito tungkol sa kanyang misyon. Tinago nito sa pusod ng kagubatan ang kanyang cell phone upang huwag itong makuha ng doktor at madali siyang makahingi ng tulong anuman ang mangyari. Tulad ni Juno ang kanyang naging trabaho. Muntik na rin siyang manglumo dahil sa nakaririmahid niyang natuklasan. Nagdesisyon si Tanya na hindi lilisanin ang isla hanggat di nakikita si Juno. Tinangka niyang kausapin si Juno gamit ang mental power nito ngunit ilang beses din siyang nabigo.
Minsan nagtanong si Tanya sa scientist kung may pag-asa pa bang manumbalik sa dati ang mga napag-eksperimentuhan. Napaniwala niya ang doktor na hanga siya dito. Sabi sa kanya ng doktor na may nagawa itong antidote pero ito ay para lamang sa pinakahuli nitong experiment—si Juno. Naging kaibigan din ni Tanya ang mga hayop sa basement. Nakuha niya ang tiwala at respeto ng mga ito. Nang minsang napadala si Tanya ng mental message kay Juno, sinagot siya nito at inutusang lisanin na ang isla dahil mapanganib daw ito. Ngunit nagmatigas si Tanya.
Isang gabi na kabilugan ang buwan, nagtungo sa gubat si Tanya. Nang dumating siya sa batis, tinanggal niya ang lahat ng kanyang kasuotan—tila tinutukso si Juno sa ilalim ng mapanghalinang buwan. Ngunit tila iniwasan ni Juno na magpakita sa kanya ng gabing iyon. Kasama niya si Trining na naging halimaw din sa isang madilim na kuweba sa gubat. Lalong dinalasan ni Tanya ang pagpunta sa pusod ng kagubatan. Isang hapon, naramdaman ni Juno ang pag-init ng kanyang katawan—isang masidhing pananabik sa kasintahan na labis din ang pangungulila sa kanya. Nakita nito si Tanya na naliligo sa batis. Mula sa kasukalan, lumantad ito. Yumakap sa balahibuhing nilalang si Tanya. Umahon sila sa batis at tila papel lamang si Tanya nang buhatin siya ng taong halimaw. Nawala sila sa matataas na mga talahib.
Kinabukasan kinausap ni Tanya si Dr. Staznik. Hiningi nito na palayain lahat ng nabiktima niya at kung magagawa pa nito, ibalik niya ito sa dati nilang katauhan. Ngunit kinontra ito ng doktor. Wala man siyang pakinabang dito ngayon, maaari naman niyang ibenta ang mga ito sa karnabal at mapagkakitaan. Ipinaalam din nito kay Tanya na may darating silang bisita sa isla. Magkakaroon daw ng paligsahan sa isla. Kinabahan si Tanya, naisip niya na panahon na upang humingi siya ng back-up.
Pursigido si Tanya na mahanap ang antidote. Pinagmasdan si Ivanoff at nakita niya ang isang safety deposit box na nakakubli sa isang painting. Ang susi nito ay nasa kuwintas ng doktor. Isang umaga maraming dumaong sa pampang ng Isla Verde. Dumating na ang araw ng pagtatanghal. May apat na Arabo, tatlong Intsik at isang Australyano ang bumaba mula sa mga yate—tila ang pagkatao nila ay tulad din ni Ivanoff na alagad ng demonyo. Nagkaroon ng kainan sa Bahay na Bato (ang tawag sa tirahan ni Ivanoff). Matapos nito ay dinala niya ang mga panauhin sa nakasarang bahagi ng basement. Parang isang arena iyon at maraming upuang nakapaligid sa isang parang boxing ring. Umakyat ang doktor sa ring at tinawag ang ilang nilalang upang umpisahan ang tunggalian. Nanggipuspos si Tanya sa nakita. Dalawang asong-gubat na may ulo ng bakulaw ang unang maglalaban. Naglaban ang dalawa at kapwa nanghina at namatay dahil sa tila rumagasang dugo na nawala mula sa kanilang mga sugat.
Ang sumunod na naghamok ay dalawang malalaking unggoy na ang ulo ay iba. May ulong mula sa baboy ramo ang isa at ang isa naman ay may ulong nagmula sa isang kobra. Dito nanalo ang unggoy na may ulong ahas. Sumapit na ang pinaka lundo ng labanan—isang tunggalian ng dalawang lalaking taong ahas. Si Tanya ang gantimpala dito. Kung sino man ang mananalo ay maaaring angkinin ang kaawa-awang babae at maging asawa ito habang buhay. Ni minsan ay hindi nagpadala na mensahe si Tanya kay Juno dahil ayaw niyang sumugod ang tao doon at baka ito mapahamak.
Dumating na rin ang back-up na tinawag ni Tanya. Hindi nila naiwasan ang hangaan ang katapangan ng babaeng ahente. Pag-ibig di umano ang dahilan ng lahat. Kahit daw si Satanas ay kayang saguapin ninuman dahil sa pag-ibig. Pag-ibig daw ang dahilan kaya’t ang imposible ay nagiging posible. Naramdaman ni Juno ang pagdating nila. Umungol ito upang ipaalam sa mga taga-NBI ang kinaroroonan ni Tanya.
Samantala sa ring naman, ang pinalad na magtagumpay ay ang lalaking may dalawang-ulo. Ito si Nelson, isa sa mga estudyanteng nawawala. Kinalagan ng doktor si Tanya at binigay dito. Sabi ng doktor na kailangang angkinin nito si Tanya sa harap ng mga manunuod. Isa daw itong bonus attraction para sa mga manonood na dumayo pa. Agad namang sinakmal nito ang leeg ng doktor at hinagis ang susi mula sa kuwintas ng doktor at kinuha din ang baril nito. Lumabas sila sa arena at kinandado ito upang di makatakas ang ibang naroon. Pinakawalan nila ang mga nasa basement at kinuha rin ang antidotes. Naramdaman ni Tanya ang pagdating ng back-up. Hindi maaaring makita ng mga taga-NBI ang mga nilalang na ito kaya pinatakas niya ito buhat sa likod at isinugo sa kuweba kung saan naroroon si Juno bitbit ang antidotes.
Sinabi ni Tanya na di pa niya nakikita si Juno kaya hindi pa niya maaaring lisanin ang isla. Nangmakaalis ang NBI Team, agad na pinuntahan ni Tanya ang kuweba. Sinubukan nila ang antidotes sa bawat isa. Tinalian niya ang mga ito sapagkat maaaring maging mabangis ito habang nagpapalit-anyo. Umusal ng panalangin si Tanya bago iturok ang karayom ng syringe. Nabahala pati siya nang makitang nagkokombulsyon ang mga ito. Takot siya na baka mamatay ang mga ito. Unti-unti pa, parang nagpadala ng awa ang langit at naging epektibo ang antidotes. Bumalik sila sa dati nilang katauhan matapos ang ilang sandali. Sa wakas, ang magkasintahan ay nasa piling na muli ng bawat isa.
Bumalik na ang apat sa sa siyudad sa Palawan. Tuwang-tuwa ang kaanak ng estudyanteng nawawala at si Atty, Fajardo ng makita si Juno. Pinasya nilang gawing condemned na lugar ang Isla Verde at sinunog ang laboratoryo—tila isang paraan upang takasan ang bangungot na naranasan. Samantala, nagkaroon din ng promosyon ang dalawang ahente dahil sa katapangan nilang ipinakita.
Pagdating sa Maynila, minabuti nila na kumuha ng Vacation leave upang makapagpahinga. Nagtungo ang magkasintahan sa isang tahimik at kaaya-ayang lugar sa Quezon. Habang naroon, naisip ng dalawa na magbitiw na sa pagiging ahente matapos ang pinagdaanan. Masaya man ang dalawa sa ilalim ng mahika ng pag-ibig, balot pa rin ng takot si Juno na baka sa sandaling magdalang-tao si Tanya ay maging abnormal ang anak nila. Ngunit tiwala si Tanya na nalagpasan na nila ang delubyo at ngayon ay kaya pa rin nilang harapin ang anumang suliranin hangga’t sila ay magkabungguang-balikat.
Mula nang magbalik-Maynila ang dalawa napansin ni Tanya na laging kulimlim ang aura ng kasintahan. Nanibago ito sa inaasal na panlalamig sa kanya. Naging maiinitin din ang ulo ni Juno bagay na minsan ay naging dahilan ng kanilang hindi pag-kakaunawaan. Subalit sadyang mapagbiro ang buhay at napilitan nilang pakawalan ang isa’t-isa. Mapait man at masakit para sa bawat isa, tila wala na ring paroroonan ang kanilang pag-iibigan. Marahil kailangan ni Juno ang espasyo—upang mapag-isipan ang krisis na tanging sya lamang ang maaaring makidigma at mapagtagumpayan.
Sabik na sabik na si Tanya sa kanyang mga magulang, kaya naman ng makatanggap ng text na hinahanap siya ng ama, agad niya itong dinalaw. Tapos na ang mga panahon ng hinanakit at galit, ang pagiging bato at pagiging matigas. Hinilom na ng panahon ang sugat na halos wala ng pag-asang gumaling. Kinalimutan na ng dalawa ang mapait na kahapon. Masaya sila at napanalunan ng ama ni Tanya ang kaso ni Gng. Leroy sa pamamagitan ng isang apela sa hukuman.
Umalis na sa kanyang apartment si Tanya at bumalik sa kanyang ama at ina. Handa nang balikan ni Juno si Tanya ngunit paano niya ito gagawin gayong malayo na ang dalaga. Sa pagkawala ni Tanya doon napagtanto ni Juno kung gaano niya kamahal at pinahahalagahan si Tanya. Nakita ni Atty. Fajardo ang hinagpis ng binata kaya parang isang kupido, kanyang pinag-ayos ang magkasintahan. Sa pahintulot ng kani-kanilang magulang, nagtaling-puso ang dalawa. Binayayaan ng supling ang dalawa. Hindi pa rin maalis-alis ang pangamba ni Juno sa kahihinatnan ng anak kaya naisip nito na ipalaglag ngunit nagmatigas si Tanya at sa huli ay napapayag si Juno. Balbon, malaki at malusog ang kanilang anak na lalaki, pinangalanan niya itong Juno Arcenas, Jr. Di naglaon ay nabuntis ulit si Tanya sa ikalawa nilang anak, si Carmina.
Sa isang pagtitipon, nagkaroon ng contest sa mga bata na gayahan ng tunog ng hayop. Sumali dito si Juno, Jr. at habang nakatingin sa bilugang hugis ng buwan kanyang ginaya ang alingawngaw ng isang lobo. Kinilabutan sina Juno at Tanya at sinuway ang anak na kahit kailan hindi na ito dapat maulit pa. Napag-alaman ni Tanya sa kanyang pagbabasa na talagang umaalulong ang mga wolves kapag kabilugan ng buwan. Ito raw ay ang tinatawag nating mating call.
Nagtapos si Junior ng kursong Engineering at nang makapasa sa board exam, nakapasok ito sa isang malaking construction and development company. Marami sa mga proyekto na naatas sa kanya ay kailangan niyang lumuwas sa mga probinsiya. Isa nga dito ay isang proyekto sa Sta. Inez. Isa itong liblib na bayan sa Iloilo, halos katabi ito ng Capiz. Minana ni Junior sa kanyang magulang ang psychic powers ng mga ito kaya naman marami itong nakikita na di nakikita ng iba. Minsan tuloy ay naisip ng kanyang mga magulang na biyaya nga kaya ang dulot nito o isa itong mabigat na pasanin.
Halos isang linggo na ang binata sa Sta. Inez nang masilayan nito ang isang dalagang naglalako sa mga trabahante ng tulay, kung saan nagtatrabaho si Juno, Jr., ng banana cue. Labis na nabihag ng dalaga ang puso ng ating binata. Subalit ang masamang balita ay may kasintahan na ang dalaga at malapit na itong ikasal. Napag-alaman niya na siya ay si Melinda, isang anak ng mangingisda. Nagdesisyon si Junior na mapapasakanya ang dalaga. May pag-asa pa siya dahil pinagkasundo lamang si Melinda sa kasintahan nito.
Isang gabi ay may narinig na alulong ang dalaga. Mahina at tila galing sa malayo. Ito ay isang huni na tila isang mating call. Madali nitong napukaw ang kanyang damdamin. Lumapit ito sa bintana at napatitig sa bilog na buwan. Ang alulong na dala ng hangin ay may mensahe na tila nagwiwika na “iniibig kita Melinda.” Parang robot na kumilos ang dalaga at inilabas ang isang maliit na suitcase at naglagay ng ilang damit. Lagpas ikalabing-dalawa na ng gabi ng lumabas siya ng bahay. Mabilis niyang tinahak ang daan patungo sa ginagawang tulay. Nakita niya roon ang isang matikas na binata. Ngayon pa lamang sila nagkausap ngunit kapwa sila na hulog sa mahika ni kupido. Lumapit si Junior sa dalaga, niyakap ito at kinayumos ang mga labi ng kanyang mga maaalab na halik.
Pagkadating nila sa Maynila, ipinagpaalam ni Junior na pakakasalan nito si Melinda. Ayaw nina Tanya at Juno ng gulo kaya ito’y tumutol lalo pa at lingid ito sa kamalayan ng magulang ni Melinda. Ngunit buo ang loob ng dalawa at wala na ring nagawa sina Tanya at Juno. Nabigla siyempre pa sina Juno kung bakit napakabilis naman nilang magpapakasal. Sabi ni Junior na tanging mating call lang ang ginawa niya..umalulong lamang at kaakibat noon ay ang pagluhog niya ng kanyang wagas na pag-ibig. Ito ay katangian aniya ng mga lobo. Instant attraction, walang patumpik-tumpik. Alam niya na may lahi siyang lobo ngunit aniya higit pa ring makapangyarihan ang katinuan ng isang tao.
Makulay at tunay na kakaiba ang buhay ni Junior. Isa siyang buhay na alaala ng karanasan nina Tanya at Juno sa Isla Verde. Mananatili pa rin siyang patunay na minsan sa kanilang buhay, sumuong sila sa isang panganib at halos halikan na ang impyerno ngunit kanila itong napagtagumpayan, kanila itong napagwagian. Dahil ito sa pag-ibig. Nagagawa nitong gawing posible ang tila imposible, gawing mabuti ang masama, talunin ng liwanag ang dilim sa kabila ng isang…“Dark Mission.”

Pagsusuri

I.
“Jologs, bakya, pangmasa” ito marahil ang papasok sa iyo pagsinabing “Tagalog Pocketbooks.” Palasak natin itong makikita na binabasa nila inday, nila manang na nagtitinda ng kendi sa lansangan at araw-araw na kinagigiliwan nila manong guard lalo na at mabisa itong pampalipas-oras.
Bakit nga ba may ilan na nahihilig sa pagbabasa nito habang may ilan na halos ipambalot ito ng tinapa o hayaan lamang ito na pagpiyestahan ng anay o ngatngatin ng aso? Marami ang nagsasabi, partikular na ang maga nasa larangan ng literatura at akademya na nakapupurol daw ito ng kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat. Kung ganito ang kaso, bakit marami sa atin ang kinikilig kapag binabasa ito? Tila isa itong teleserye na kinahumalingan na ng lahat. Bakas sa mga mata ng mga tumatangkilik nito ang kasiyahan kapag pinag-uusapan na ang kanilang paboritong karakter dito. Marahil ay dahil na rin sa sina Pablo na mayamang haciendero at umibig kay Fatima na isa lamang katulong, o kaya ay si Alberta na humahadlang sa pagmamahalan nila ay salamin ng bawat Pilipino. Si Marian na nabuntis at tinakbuhan ng kasintahan ay nakahanap ng pag-ibig sa katauhan ni Dennis ay parang si Jane na kaibigan ko o kaya ay si Anthony na kakilala mo. Marahil ay dahil si Lucy na iniwan ng kanyang mga magulang at nakatagpo ng isang banyagang kasintahan ay ikaw o kaya si Jonas na akala ng lahat ay mayabang at hambog ngunit mabait pala ay ako. Sa madaling salita, ang mga paksa na pocketbooks ay hango sa mga kuwentong malapit sa ating mga puso kaya hindi kataka-takang mapapadukot ka ng bente pesos sa iyong bulsa para dito. Iba’t-iba lamang ang pangalan nila at anyo ng istorya ang ginamit ngunit iisa ang tema...pag-ibig. Kaya naman madali sa atin ang makapag-identify sa mga karakter na naririto.
Madami naman ang forms of entertainment ngunit sadyang hit talaga sa masa ang pocketbooks. Manoood ka ng sine at gagastos ka ng mahigit isang daan para sa iisang beses na panoorin, manood ka ng telebisyon at gagastos ka para sa kuryente at mauunsyami ka pa sa dami ng patalastas. Sa pocketbooks, bumili ka ng isa at maaari mong balikan o kaya ay i-swap mo kay inday na nasa kabilang bahay. Marahil ito ang dahilan kung bakit nananatiling malakas na industriyang ito. Hindi natin maipagkakaila na bukod sa mura pa, madali kasi itong intindihin at nakakawili pa.
Hindi nga talaga pang-Palanca ang karamihan dito, ngunit marami din naman ang may masustansyang kuwento at mayaman sa simbolismo. Marami din naman ang nagnanais na i-angat ang kalidad ng mga pocketbooks bilang babasahin ng mga masa sa isang tunay na instrumentong pampanitikan (in its truest sense). Ano ba ang pinagka-iba ng mga ito sa “Twilight,” “Harry Potter” o sa iba pa na libro mula sa Amerika na halos bukambibig ngayon ng mga kabataan. Marahil ay ang ating pagkahilig sa mga imported books at pagwawaksi sa mga locally-produced books ay dulot na rin ng ating mentalidad na hinubog ng kolonyalismo.
Isa pa, jologs man ito at pangmasa, nakapagtuturo naman ito ng mga aral na ating magagamit sa ating pangaraw-araw na pamumuhay. Madami din naman ang may mga Ingles na kalangkap sa libro kaya nakapagpapatalas ng bokabularyo.
II.
Sa aking nabasa, pormal na maituturing ang istilo ng may-akda na si Rosie Espina. Gumamit siya ng maraming malalalim na pananalita at umiwas sa mga bulgar na salita. Hindi rin bastos o mahalay ang paglalarawan niya sa ilang eksena na kung sa iba marahil ay sinamantala na upang lalong makapang-engganyo ng mga mambabasa. Ang himig ng kanyang pagsusulat ay pormal sapagkat nasusi niyang pinili ang mag salitang gagamitin upang mas maging epektibo ang paglalarawan ng mga eksena at mas mabigyang buhay ang bawat aktor at aktres. Maayos din ang daloy ng dayalogo sa pagitan ng ilang kalahok sa eksena at maganda ang kumnbinasyon ng mga salita o sintaks kung tuwagin upang mas mapukaw ang puso ng mambabasa.
Bukod pa rito ay mabubusog din ang mambabasa sa mahusay niyang paglalarawan ng bawat eksena upang mai-establish ang mood. Halimbawa ay epektibo ang paglalarawan niya sa gubat, sa gabi, sa anyo ni Juno at ng iba pang karakter bilang halimaw at sa hubad na si Tanya upang hindi lang akitin si Juno gayun din ang mga mambabasa na hindi kinakailangang lumampas sa kanyang limitasyon. Kahanga-hanga dahil na rin tunay na mahahasa nito ang iyong imahinasyon at habang iyong binabasa ang pocketbook ay makabubuo ka ng larawan sa iyong isipan. Gumamit din siya ng konotasyon. Halimbawa dito ay ang tulay. Sa iba marahil ay ordinaryo ito, ngunit mahalaga ang gamapanini nito sa kuwento. Marami ding ginamit si Espina na mga salitang tila nagbibigay clue o premonisyon sa maaaring mangyari. Gumamit din siya ng simbolismo tulad nga ng buwan, tulay, Bahay na Bato at ang Isla Verde. Malalim ang ibig sabihin ng mga bagay na ito, mahahalaga na bagay upang mas mabuo ang kuwento.
Mahalaga din ang pinapakita ng kuwento. Sina Juno at Tanya, bagama’t bida sa ating kuwento ay may ilang oras ng pagiging mahina at nagkakamali. May tendency din sila na maging asal hayop. Halimbawa ay ang pagiging padalos-dalos ni Tanya, ito ang nagdulot sa kanya sa kapahamakan sa kamay ng isang rapist. Ikalawa, senyales ng pagiging mahina ni Juno ang una niyang desisyon na ipalaglag ang kanilang anak. Ikatlo, kung gagamitan ng Naturalismo at Sordid Realism, tila hayop sina Tanya at Juno na nagtalik sa talahiban. Hindi ito ordinaryong gawain ng tao ang magtalik kahit saan. Gayun pa man, sabi nga nila ang tao ay may tendency pa rin na maging hayop sa ilang pagkakataon. Ginamitan din ng Scientific Determinism ang kuwento ng anak nila na si Junior. Una, dahil sa kapwa may mental powers ang kanyang magulang naisalin din ito sa kanya. Ikalawa, dahil nasalinan ng dugo ng isang lobo ang ama, naipasa niya ito sa anak.

Konklusyon at Rekomendasyon

Sa ayaw man natin at sa gusto, marami pa rin ang maeengganyo sa pagbabasa ng mga pocketbooks. Ito kasi ay salamin ng ating mga buhay, ng ating pag-ibig, ng ating dalamhati, ng ating kasiyahan. Larawan ito ng ating kabiguan, ng ating tagumpay, ng ating pagkalugmok at maging ng ating pagbangon. Totoong mababaw ang pocketbooks. Kung tututusin, salamin ito ng pagiging mababaw ng mga Pilipino. Repleksyon din ito na bawat isa sa atin.
Patok ang mga pocketbooks dahil na rin aminin man natin o hindi, may bahagi sa atin ang nahihipo ng mga ito. May bahagi sa atin ng nagnanais ng isang prince charming o ng isang prinsesa na maging kasintahan. Mayroon parte ng kalooban natin ang nagnanais ng “happily ever after” :na ending. Kung tutuusin, bawat kuwento ng pocketbook ay isinulat dahil sa akin, dahil sa iyo at dahil sa kanya.
Marahil ay kung bibigyan lang natin ng pagkakataon at atensyon ang industriya ng pocketbooks, di malayong umunlad ito. Maaari naman talagang maitaas ang antas ng kalidad ng mga ito. Kung ako ang tatanungin hindi masama ang magbasa nito. Ngunit dapat madebelop ang panlasa ng mg Pinoy sa pagpili ng kanyang babasahin. Mayroong iba na tunay na pang-Palanca habang may iba, masakit mang sabihin ay ni sa panlasa ng isang high school student ay hindi papasa. Hindi lamang dapat pera ang maging habol ng mga naglilimbag ng mga ito. Dapat ay tumugon din ito sa social values ng lipunan at sa pamantayan ng makabuluhang literatura.
Bakit hindi ito gawing bukas sa kritisismo at pag-aaral mga estudyante? O maging ng mga kinauukulan sa mundo na akademya. Dapat ding unawain kung bakit ito binabasa ng mga masa. Hindi naman natin dapat hangarin o asahan na basahin ng mambabasa ang mga gawang pampanitikan na may halong pilosopiya dahil hindi nila ito mauunawaan. Kung ang mga Hapon ay nagawang paunlarin ang industriya ng “Manga,” hindi din imposible na mapayabong din natin ang ating Tagalog pocketbooks.
Masasabi kong mairerekomenda ko ang pagbabasa ng “Dark Mission.” Hindi lang sa kadahilanang mahusay at pormal ang pagkakasulat nito. Bumabagtas ito sa mga temang malapit sa mga puso natin bilang Pilipino. Lahat tayo ay umiibig, sa Diyos, sa ating mga magulang, sa ating mga ka-ibigan o kaibigan. Puno tayo ng pagmamahal sa ating katawan kaya naman madaling maintindihan ito. Hindi rin kasi nalalayo sa akin o sa iyo ang ilang sirkumstansya ng kuwento.
Hinihipo din nito ang ilang isyu sa lipunan. Makapangyarihan nga ang mga tao, at tunay na ikambal pa dito ang teknolohiya, malayo ang mararating niya. Subalit, minsan ay may kapasidad din itong lampasan ang nararapat na kasukdulan at umabuso ito. Tulad ni Dr. Ivanoff, marami ang dahil sa pera, kapangyarihan at kahusayan ay madaling napaglalaruan ang kapwa, maging ang kapaligiran. Lahat tayo ay may talinong taglay na nararapat lamang gamitin ng may buong pagrespeto sa karapatan ng ating kapwa, ng may responsibilidad at buong pag-galang sa bawat nilalang ng Maykapal. Bali wala ang talino kung magiging instrumento ito ng lagim. Imbis na dilim, liwanag ang dapat idulot nito. Imbes na kasiraan, pag-unlad ang nararapat maging epekto nito. At aa halip na kasamaan, kabutihan ang dapat isukli nito.
Bilang konklusyon, totoong marami ang nagsasabi na jologs o pangmasa lamang ang pocketbooks. Ngunit kaya natin itong ibangon at gawing mas mayaman...matatas sa pampanitikang istandard. Sino ang makapag sasabi, marahil bukas o sa mga susunod na bukas, ang paborito mong pocketbook ang siya ng kinababaliwan ng lahat at pinipilahan bilang isang blockbuster na pelikula.

DALUYONG


DALUYONG


ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAYAG.
MINSAN AY TILA ANAS, TAHIMIK AT MAPAYAPA…
NGUNIT MALIMIT HINAHAMPAS NG MAPANG-GULANIT NA DALUYONG.



SA paglalakbay sa malawak na karagatan ng buhay, ang naglalayag ay madalas ginigitla ng mga alimbukay na tila iniiikid ng isang sigwa sa karagatan. Ang bawat moog ng ating mga katauhan ay malimit na pinapatahip ng malalakas na hihip ng dati ay hanging palay-palay, kalmado at dalisay ang pagtampal sa ating pisngi ngunit sa huli ay nagbugso ng buhawi upang bumuo ng kaginsa-ginsang daluyong.
ANG daluyong ay isang malalakas na alon na maaaring bunsod ng sigwa o malakas na bagyo sa karagatan. Sa bawat hihip ng hangin, ang daluyong ay tila wumawasak sa ating mga katauhang lukuban man natin ng mahuhusay na pananggalang, pilit na lalamatan ng paghampas ng alon. Bawat malakas na daluyong ay tila pinaparupok ang ating kakayahan, ang ating pananampalataya at ang ating buhay sa kabuuan.
HINDI mapasisinungalingan na sa ating paglalayag, madalas kaakibat ng mapanggulanit at mapanirang daluyong, tayo ay hinahadlangan ng pusikit na suob...humaharang...at tila sagwil sa ating daraanan. Ngunit hangga’t buo ang iyong kalooban na sapitin ang iyong nais kahantungan at hangga’t naaaninagan mo ang estrelyang iyong gabay, kahit ano pa ang unos at kahit gaano pa kalakas ang mga daluyong, wala sa iyong makapipigil...walang makapagwawaksi sa’yo sa sarili mong pangarap, walang makakapag-walay sa iyo sa pag-asa na iyong pinanghahawakan at walang makapipigi sa iyong patuloy na pagsuong sa digmaan ng buhay.
Minsan kay sarap pagmasdan ang bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Ang mga marka nitong iniwan na masarap ding balikan ay nagdudulot ng pakaramdam na tila ikapitong-langit ang dulot. Kay sarap alalahanin ang mga alimbukay ng tubig na nagpatatag sa iyo; mga hambalos at lagitik na nagpabuti sa iyo bilang tao; mga hampas na nagpaibayo sa iyong kakayahang lumaban, suungin ang nasa dakong kahit kailan ay hindi mo pa naparoonan, manampalataya, magtiwala, magbigay at umibig. Ngunit di naman miminsan na ito ay nagdala ng pagdadalamhati at kapighatian sa bawat isa sa atin. Ang bawat daluyong na minsan ay naging kaibigan, ngayon ay tila isang unos na sumusubok patayin ang esperma na nagbibigay pag-asa at liwanag sa atin. Isang taksil na kaibigan...umaawit ng agunyas...musika ng kapighatian...tugtugin ng kamatayan. Sa aking sapantaha kaibigan man o kaaway ang daluyong ay nasa tumatanggap nito.
ANG bawat hampas ng alon sa buhay ay hindi maiiwasan. Ito ay tila kahiramang-suklay na kasakasama sa ating bawat pagpapagal sa buhay. Ang alon...ang mga sigwa sa karagatan...ang daluyong....ang lahat ng ito ay makikita sa karagatan at hindi maikukubling lahat ito ay nararamdaman at pinakikisamahan rin natin sa buhay. Sabi nga nila hangarin man natin, kahit kailan ay hindi natin matuturuan kung saang direksyon iihip ang hangin o kung gaanong unos ang dulot nito at kung gaano katataas na daluyong ang idudulot nito ngunit maaari naman nating rendahan ang ating paglalayag. May sandaling dapat sumabay sa direksyon ng hangin upang hindi tamaan ng malalakas na alon, subalit kadalasa’y dapat itong suwayin at indahin ang mga kaakibat na alon nito.