Tuesday, March 10, 2009

Isang Panunuring Pandulaan Batay sa “Kabugan”

Ang Teatro Tomasino, ang premyadong lupong panteatro ng Unibersidad ng Santo Tomas, kamakailan ay nagpalabas ng isang twin-bill na presentasyon. Ayon sa mensahe ni Fr. Rolando V. De la Rosa, ito ang ikalawang pangunahin o major na pagtatanggal ng grupo sa ika-31 nitong taon.

Kilala ang Teatro pagbibigay ng mga makabuluhan, magaganda at talaga namang maipagmamalaking mga pagtatanghal. Ito ay isang konstruktibong pagpuna sa kanilang ginawang pagtatanghal. Maaari kong sabihin sa kawalan ng mga tama at mas angkop na salita na hindi ganito ang aking inasahan mula sa Teatro. Maraming bahay sa kanilang pagtatanghal ang hindi ko lubusang naunawaan. Una, hindi klaro kung ano ang tema ng “Kabugagan.” Aking nabasa sa mensahe ni John Lapus, kanilang Professional Adviser sa loob na ng sampung taon, na naisip nila na gawing titulo ang kabugan matapos malaman na twin bill ang kanilang gagawin. Nasabi niya na naging titulo na nila ang “Dalawahan,” “ Back2Back,” “Twoseome,” at iba pa. Naisip niya na sa tuwing gagawa sila ng ganitong klaseng produksyon, madalas magkaiba ng direktor ang mga presentasyon at magsisiganap, kaya naman hindi maiiwasan na magkabugan sila. Bukod dito, wala naman talagang koneksyon ang mga kuwento sa titulo ng palabas at wala din namang relasyon o pagkakatulad sa tema ang dalawang produksyon.

Mas naibigan ko ang unang presentasyon. Ang titulo nito ay “Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon.” Nakaka-aliw panoorin ang mga nagsisiganap at mahiwaga din ang kanilang pagkatao. Sa tingin ko, sinadya ng manunulat na huwag bigyan ng pangalan ang dalawang bida at itago na lang ito bilang si babae at si lalake. Sa literatura, mahalaga ang pangalan dahil marami itong simbolo o pinapahiwatig. Sa sitwasyong walang pangalan, tago ang identidad o pagkatao ng mga bida. Ito ay mahalaga dahil hindi naman talaga lubusang nagkakilala ang dalawang bida. Sa huling bahagi ng dula, hindi pa rin nakuha ng babae ang hinihingi nitong sagot mula sa lalake gaya ng pangalan nito at kung totoo ba ang sinabi nito tungkol sa kapatid ng lalake na si Lulubelle. Nahuli silang dalawa ng asawa ng lalaki at binaril. Matatandaan na naikuwento ni lalake kay babae na ang kapatid niya ay kinagat ng oso sa zoo at ito ay tinubuan ng balahibo sa buo nitong katawan.

Masaya, nakaka-aliw at kung titingnan sa aspetong pag-bibigay ng saya, pasado naman ang palabas. Ngunit, ito ay ginawa ng isang prestihiyosong lupon ng mga nagtatanghal. Masakit mang marinig, hindi gaanong malalim ang kuwento at bukod sa pagbibigay-aliw wala na itong maibibigay sa manonood. Kung may aral man, marahil ay limitado sa konteksto ng bawal at imposibleng pag-ibig. Bilang Tomasino, nakalulungkot sabihin na wala din akong nakitang Thomasian values sa dula. Gayun pa man, tulad nga ng aking nabanggit ay kapuri-puri ang naging pagganap ng dalawang bida. Marahil ang puna ko lamang ay sana iniklian ang mga sandaling blangko o “dead air.” Marami kasing sandali na masyadong matagal ang paghinto ng dalawa kaya parang mapapaisip ka kung “ano ba tapos nab a ang kuwento?” Maganda rin ang “backdrop” ngunit sana ay mas may espasyo pa upang mas nalakihan ang tulay.

Sa aspetong teknikal, malalim na istorya, marahil ay kinabog ng “Anino” ang nauna. Maraming isyung panlipunan ang maipakita sa dula gaya ng pakikiapid ng isang babae sa anak ng bago niyang napangasawa, ang pagpatay makuha lamang ang naisin, at ang resolusyon sa hulo na paghihiganti upang mabura ang kasalanan. Malalim na istorya, pagpapakita ng ilang aspetong kultural at isyung panlipunan…ang mga ito ang dahilan upang maging maganda ang dula at maging makabuluhan at ito nga ay naipakita ng dula kahit papano.

Namangha ako ng aking nalaman na “Palanca Memorial Awards for Literature” awardee pala ang “Anino” noong 2000. Ginamit ng sumulat na si Allan B. Lopez ang tradisyunal at konbensyunal na paksa at porma ayon sa kanya. Isa daw itong pormalistikong akda na magakahalong simple dahil madali itong intindihin at complex naman dahil marami at sanga-sanga ang dapat intindihin.

Ang aking puna nga lang ay may mga ilang sandali na mawawala ang pokus mo sa dula at ilang sandali rin na nakakabagot ito. Mahusay naman ang pag-arte ng mga gumanap at sa aspetong teknikal, humanga ako sa paggamit nila ng “black light.” Mahusay din ang paglapat ng background music upang maipadama ang mood ng eksena.

Sa kabuuan, kahit na maraming puna sa dalawang dula at ito ang tumatak sa maraming taga-panood, sana ay maging leksyon ito sa Teatro at magsilbi itong hamon para sa mas marami pa nilag gagawing presentasyon. Inaasahan ko ang mas maganda, mas malalim at mas makabuluhang kuwento buhat sa kanila.

Nakalulungkot man isipin na marami ang hindi gaanong nasiyahan sa dula, at maraming kritisismo ang naibigay sa presentasyon, sana ay tanggapin ito bilang payo ng Teatro. Hindi nito layunin na siraan sila o ipahiya. Sabi nga sa ingles “I know that they are beyond that.” Alam kong higit pa doon ang kaya nilang gawin.

Gayun pa man, nais ko pa ring saluduhan ang lahat ng nagbigay ng oras, panahon, puso at ideya para sa dalawang presentasyon. Kung tutuusin, wala naman dapat umangat sa dalawa dahil sigurado ako na pareho silang nagtulungan at nagbigay ng parehong lebel ng pagtitiyaga at paghihirap upang mabigyan ng magandang panoorin ang lahat ng Tomasino. Mataas pa rin ang respeto ko sa mga taga-Teatro at patuloy ko pa ring susuportahan ang kanilang mga proyekto dahil naniniwala ako na marami pa silang kayang gawin at higit sa lahat magagaling sila bilang miyembro ng Tomasinong pamayanan.

Panunuring Pampelikula Batay sa “Ploning”

I.
Noong nakaraang taon, isa sa mga pelikulang Pilipino ang munitk ng makapasok sa Oscar’s ng Amerika, isa sa mga pinakaprestihiyosong patimplalak para sa mga katangi-tanging obra para sa pinilakang-tabing sa buong mundo. Sinasabi na maihihilera mo ang pelikulang ito kasama ang “Himala” ni Nora Aunor at sa iba pang obra na buong pusong niyakap at pinuri ng mga kritiko sa bansa at ibayong-dagat. Maituturing na hindi mainstream and pelikula, sa katunayan isa lamang itong experimental movie. Halos isang sugal ang ginawa ng mga prodyuser at mga kalahok na artista dahil ang tema ng pelikula at ang target audience nito ay hindi gaanong kinasanayan ng mga Pilipino.
“Iconic” ang karakter ni Ploning para sa magaling na aktres na si Judy Ann Santos. Kilala si Santos sa paggawa ng mga teleserye--mula sa isang batang gubat hanggang sa pagiging superheroine; mula sa pagiging kapatid na hinahanap ang mga nawalay niyang kaanak hanggang sa isang anak nais maghiganti sa babaeng nagnakaw ng recipe ng kanyang namayapang ina. Ngayon, tunay na ganap na aktres na ang young superstar. Ang senaryo kung saan umiiyak siya habang nakikiniig sa usapan ng kanyang Tay Susing at ni D igo ay tunay na makadurog-puso. Noong sitwasyong iyon, naramdaman ko si Ploning, at hindi si Santos---naramdaman ko ang isang anak na minsan ay bumigo sa kanyang ama at ngayo’y narampatan na ng pagpapatawad; sa eksenang iyon, nahipo ko ang puso ni Ploning, nakalkal ko ang mga nasa kaibuturan ng puso niya at hinayaan niya akong pumasok sa mundo niyang noon ay tila isang pader sa kapal na hindi mabuwag-buwag. Kahanga-hanga din ang halos natural na pagsasalita ni Judy Ann ng wika ng mg taga-Cuyo.
Isa pa sa inabangan ko ang portrayal ang ­internationally-recognized na aktres na si Ms.Gina Pareno. Sa eksenang tila isang magnanakaw ang ulan na dumating sa hindi inaasahang pagkakataon, nadama ko si Intang at ang kanyang pagnanais na muli sana niyang makandong ang buto ng anak. Sa eksenang iyon, nakita ko ang aking ina, ang pagmamahal niya sa akin, sa aming magkapatid at ang bawat ina na nagmamahal. Sinalamin niya ang bawat ina na nangungulila sa kanyang anak at ang tanging hiling lamang ay masilayan sa huling pagkakataon ang labi ng anak. Tuwing napapanood ko ang magaling na aktres na ito, mapakomedy man o mapadrama, hindi niya binibigo ang mga manonood. Si Pareno ay hindi maitatanggi na may kakayahang ipadama sa kanyang manonood ang nararamdaman niya at saluhan siya sa bawat pait ng luha, samahan siya sa bawat halakhak
Noon pa man, hindi maitatanggi na magaling din si Eugene Domingo. Kahit sa drama ay kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga bigating aktor. Inasahan ko na rin ito dahil produkto siya at dating aktibo sa ilang pagtatanghal sa mga teatro. Gayun din naman, sina Mylene Dizon, Spanky Manikan, at Tessie Tomas na gaya ng iba pa nilang ginampanan, katangi-tangi ang naging pagganap sa pelikula.
Na-absorb din ng lubusan nina Meryl Soriano, Ketchup Eusebio at ni Ces Quesada ang kani-kanilang gampanin. Halos kapani-paniwala ang kanilang pagganap at nararapat lang na mapansin. Siyempre, kinaaliwan din at kinakitaan ng malaking potensyal ang batang Digo na si Cedric Amit.

II.
Hitik din sa mga simbolismo ang pelikulang “Ploning.” Ngayon, halos karamihan sa pelikula natin ay “literal” lamang ang ginagawang interpretasyon. Ang “Ploning” ay naiiba. Mula sa puting damit, sa lata ng lychees, asin at sa bato, ang bawat bagay sa pelikula ay may sinisimbolo—may nais sabihin o ipahiwatig. Nais kong pag-usapan ang mga simbolong ito.

Tatay Susing: “Pinadala ko tong regalo ko sa ika-16 niyang kaarawan. Ilang araw pagkatapos noon... may isang gabing hindi siya umuwi. Ito ang suot niya. Umpisa noon lumayo na ang loob niya sa akin at hindi ko na ulit narinig na humalakhak ang anak ko.”
Digo: “Kaya ninyo po ba nilalabhan para humalakhak si Nay Ploning?”
Tatay Susing: “Sana dahil dito, muling lumapit ang loob niya sa akin... maramdaman niya nasa kanya na ang pagpapatawad ko...kahit ano pa ang mangyari...kahit pagalitan ka ng matatanda...ito ang isuot mo sa libing ko.”a. Puting Damit

Palasak na nating naririnig na ang puti ay símbolo ng “kadalisayan at kalinisan.” Noong gabing hindi umuwi si Ploning, iyon ang gabing isinuko niya ang kanyang pagkababae kay Tomas. Pag-uwi niya, hindi na siya ang Ploning na dalisay at malinis, inosente at walang karanasan sa pag-ibig. Naisip niyang nasira niya ang tiwala na ibinigay sa kanya ng ama. Binigo niya ito. Simula noon ay naging malayo na ang loob ng dalaga sa ama. Paulit-ulit na nilalabhan ni Tay Susing ang damit, simbolo na tanggap niya ang nangyari, naibigay na niya ang kanyang pagpapatawad. Ang bawat magulang ay magulang pa rin sa kanilang anak, paulit-ulit na magpapatawad at itatama ang pagkakamali ng anak. Itaboy man sila, patuloy na ipagsisiksikan ng magulang sa anak ang sarili. Nang isuot ito ni Ploning sa libing ng ama, hindi niya inintindi ang sasabihin ng ibang tao, para sa ama niya ang pagsuot niya noon, para sa ama niya ang puting damit...simbolo ng kalinisan at kadalisayan...pagpapatawad at muling paglapit ng puso ni Ploning sa ama.

Celing:“Pagkatapos ng piyesta...maraming araw pa kaming nagsama sa sementeryo...nandoon lang...dinarama ang mga padalang tulong ng Diyos... nananahimik... Mga araw ng lungkot...mga araw ng saya...mga araw ng pasasalamat.”
Digo:“Naghahanda din po ba kayo ng lychee doon?”b. Lata ng lychees

Ayon kay Ploning ang lychee ay isang handa na pang-espesyal na okasyon lamang tulad ng kaarawan at sa iba pang importanteng okasyon. Inihahanda ito sa mga okasyon na dapat magpasalamat, o sa ilang sitwasyon na datapwat malungkot ay nadarama pa rin ang padalang biyaya ng Diyos. Ngunit para kay Digo, ito ang nagpapaalala sa kanya kay Ploning at sa Cuyo. Ito ang nag-papaalala sa kanya sa babaeng inibig niya buhat pa man kabataan niya at sa bayang kinalakihan niya. Matatandaan na hindi ibinibigay noon ni Tsuy ang buong suweldo ni Digo/Jose o Mao Sei sa kadahilanang inuubos lang daw nito ang suweldo sa pagbili ng lychee.
May eksenang hindi binuksan ni Digo ang lata ng lychees sa pamamagitan ng “can-opener,” sa halip pinili niyang gamitan ng kutsara. Sa isa namang eksena na binuksan niya ito sa pamamagitan ng paghampas sa isang bato. Si Digo ay lumaki sa isang dampang lugar, tumira sa isang desente ngunit maliit na kubo, hindi siya nasanay sa karangyaan. Hindi niya madaling natanggap ang pagababago, hindi siya madaling nakaabante sa buhay dahil hanggang ngayon ay mayroon pa rin siyang nakalipas na hindi niya mapakawalan. Kahit may ilang modernong gamit na ang nailabas, mayroon talagang ibang tao na mas pinipili ang mahirap ngunit subok na paraan.
Hindi ba’t sa buhay, mayroon talagang mga bagay na hindi natin madaling baguhin o buksan sa ibang paraan bukod sa alam natin. Tulad ng puso, tanging ang kinagisnan lamang nito ang may kakayahan na buksan ito kung hindi matututunan ng tao na magpatuloy sa buhay at yakapin ang ibang oportunidad.

“Bakit ganoon…sa tuwing magbibigay ka sa akin…binabawi mo ng di ko alam? Bakit ang damot mo sa akin? Anong kasalanan ko sa ‘yo? Bakit pinarurusahan mo ko. Bago mo pa man pinatay ang aking anak…kinailangan ko na siyang paalisin para di kaawaan sa islang ito. Ang unti-unting panghihina ng aking anak… Sabi ko kay Tomas…palagi lang siyang magdadasal sa’yo dahil sa kutib ko…kung ako ang hihiling…kung ako ang hihiling, mahina ako sa’yo. Nang di ko makitang buhay ang aking anak…hindi ako nagkamali…. Pero humiling uli ako sa’yo…na sana biyayaan mo ako ng sapat…sa pamamagitan ng asin na ito. Para makandong at maiuwi ko ang buro ni Tomas at mailibing siya ng maayos. Kapag nangyari iyon…baka madali na sa akin ang pagtanggap ng tadhana…sinungaling ka!!! Sinungaling ka!!! Ikaw ginoo.. paano pa maibabalik ang nawala ng mapagpanggap mong biyaya? Kung totoong maunawain ka…unawain mo ngayon na di ko kayang tanggapin na patay na si Tomas…at siguradong di ko kayang tanggapin na ikaw…ang tunay na buhay na Diyos.”
-Intangc. Asin

Tulad ng nilitanya ng ina ni Tomas sa eksena kung saan ang mga asin ay binasa at tinunaw ng ulan, ang asin ay simbolo ng pag-asa ng isang ina. Ang kikitain sana niya sa kanyang pagnenegosyo ng asin ay ang kanyang ipantutustos upang makuha at maiuwi ang mga labi ni Tomas. Ngunit ng nalusaw ito, nalusaw na rin ang pag-asa ng isang ina na maiuwi, makandong ang mga labi ng anak…isang bagay na mahirap tanggapin dahil muli pa ay pinagkaitan siya na muling makita ang anak sa huling pagkakataon. Tila isang magnanakaw ang ulan na sumalakay ng wala siyang nagawang paghahanda.

d. Ulan

Una, ang ulan ay simbolo ng biyaya...pagpapala mula sa langit na nagbibigay sustansya sa lupa at nagbibigay buhay sa mga tao. Matagal ng hindi umuulann sa Cuyo, ngunit sa isang di inaasahang pagkakataon, sa gitna ng selebrasyon ng kapistahan, biglaang bumuhos ang ulan. Ikalawa, ito ay simbolo ng dalamhati. Ang ina ni Tomas ay umiyak ng bumuhos ng ulan dahil ito ang tumunaw sa pag-asa niyang maiuwi at makandong ang buto ng anak. Ang ulan, sa ilang pagkakataon, hindi biyaya ang dulot, sa halip ay trahedya ang ibinabadya. Ikatlo, ito ay simbolo ng “paghihintay”....paghihintay ni Juaning na muling bumuhos ang ulan bago siya magpaalam sa mundo. Ika-apat, ito ay simbolo ng paglisan. Sa araw na bumuhos na muli ang buwan, sa wakas, ito rin ang araw na akala ni Digo ay umalis na si Ploning... at itong inakalang paglisan ng dalaga ang nagbunsod din ng paglisan ni Digo ng matagal na panahon sa Cuyo.

e. Tsinelas

Masasabing ang tsinelas ay simbolo ng pag-usad o paghakbang sa panibagong yugto ng buhay. Isang yugto ng bagong pakikibaka, upang hasain ang sariling kakayahan at matutunan ang mga aral ng buhay. Ang bagong tsinelas na regalo ni Ploning kay Digo ay masasabing inalagaan ng huli.
Bukod sa nabanggit, ang tsinelas ay simbolo ng “maternal love” ni Ploning para sa batang isinilang sa mismong araw ng kamatayan ni Tomas—isang batang tumulong upang ibsan ang lungkot sa puso niya na dulot ng pagkamatay ng sinisinta; isang batang tinulungan siyang lumimot hindi sa lalaking kanyang minsan ay minahal, ngunit sa pait ng nakalipas na pag-ibig; at isang batang nagpakita sa kanya ng pagmamahal higit pa sa pagmamahal na maiibibigay ng anak sa isang magulang.

f. Indigo dye

Simbolo ng pasasalamat at kapistahan. Ang pagpahid nito sa mukha sa bawat Cuyonon ay sumisimbolo sa pakikiisa sa pagpapasalamat at pagdiriwang.

g.Bato
“Ploning...
Ako'y sumusumpa
Sa puso nagmumulaSana'y magtiwala...
Itaga sa batoBalutin ng panyoKailanma'y di kukupasKahit hanggang wakas.”
(hango sa awit)











Ang bawat paghaplos, paghipo, at paggalaw ni Ploning sa bato ay halos maihahalintulad sa paghaplos at paghipo sa kanya ni Tomas na nasaksihan natin sa unang eksena sa pelikula. Ang bato ay masasabing “erotic” symbol. Ang bato kapagkinukuskos sa isang matigas na bagay ay gumagawa ng init, o minsan pa nga ay nakakalikha ng apoy. Laging hawak-hawak ni Ploning ang bato, ang bato ay tinatawag ng mga Cuyonon na “balogo.” Nabunyag sa pamamagitan ni Manong Toting, na ito rin pala ang palayaw ni Tomas.
Ang bato na nakabalot sa panyo ni Ploning ay marahil isang paghawak din ni Ploning sa kanyang pag-ibig kay Tomas...isang pag-ibig na kailan man ay hindi mapapasakanya, ngunit patuloy niyang hahawakan...hindi upang umasang mapasakanya ito ngunit upang ang pag-ibig na ito ay maging daan para ibigin din niya ang iba.


“Hindi nadadaan yan sa pag-iingat. Ang bawat magbibiyak ng casuy ay napapaso… parangpag-ibig. Dapat may mapaso para may makatikim ng linamnam.”
-Nieves
“Pag sobra ang apoy pumapait. Dapat walang pakla ang buto. At dapat magawa mo siyang maikalat bago siya lumamig.”h.Kasuy

Ang buto ng kasuy ay mainit, nakakapaso at mahapdi kung hindi ka sanay. Totong hindi nadadaan sa pag-iingat ang pag-ibig dahil kahit kailan ay hindi mo masasabi kung sino ang iyong mamahalin. Tulad ng pag-ibig ang casuy. Sabi nga, kailangan ay may isang makadama ng init, mapaso at maramdaman ang hapdi. Doon mo kasi masasabi na nagmahal ka. Dahil naramdaman mo at tiniis ang hapdi upang mapasaya lamang ang taong minamahal mo. Dahil sa iyong paghawak sa pag-iibigan, masusugatan ka, maaaring malapnos ang buo mong pagkatao, ngunit hindi ba mas nakakatuwang isipin na kung sino ang mas nasaktan, siya rin ang mas nagmahal.
Sinabi rin sa pelikula na ang proseso rin ng pagluluto ay tulad ng pag-ibig. Pag sobra sa apoy, nagiging mapait ang kalalabasan. Minsan sa pag-ibig, may pagkakataon na sobra o nakakapaso na ang pagmamahalan, kaya naman may ilan na nagnanais dumistansya. May mga taong hindi kayang tagalan ang alab ng pag-ibig, kaya bago pa man manlamig ay dapat naipadama mo na ang iyong pagmamahal. Dahil sa oras na siya’y nanlamig, hindi mo na maipaparamdam ang iyong pag-ibig. Hindi man bumalik sa iyo ang iyong minamahal, ang mahalaga ay nagmahal ka sa inaakala mong pinakalubos na paraan.

i.Sulat

Kung pagbabatayan ang kapanganakan ni Ploning (1950s) at ilang sirkumstansya sa pelikula, masasabi na ang setting ng “Ploning” ay 1970s. Patunay dito ang isang eksena kung saan inanunsyo sa radyo ang Manila International Film Festival ni First Lady Imelda Marcos kung saan panauhin sina George Hamilton at Brooke Shields. Dahil dito, ang sulat ang pangunahing instrumento sa pakikipag-komyunikasyon sa ating mga minamahal na malayo. Hindi pa uso noon ang “e-mail” o ang “text.”
Si Ploning ang tagabasa ng mga liham ng asawa ni Alma sa kanya, siya rin ang matiyagang sumusulat ng mga nais iparating ni Alma sa asawa nito. Sa maraming asawa na malayo sa isa’t-isa, ang pagsusulat ay ang paraan nila upang makapag-usap at maipahayag ang kanilang pag-ibig sa isa’t-isa. Doon nila dinadaan ang kanilang pakikipagkakamustahan at pakikibalita sa sitwasyon ng kanilang kapamilya.

“Kaysa naman dyan sa manugang mo... radyo lang ang alam na kausapin…wala siyang ibang kaibigan”
“Bakit ang aga-aga natin ‘yang bisita? Wala na bang baterya ang radio nya?”
“Alma, maliban sa radyo mo...wala ka naman iba makasundo...”j.Radyo

Si Alma ay isang dayo sa Cuyo at bilang isang hindi katutubo sa lugar, hindi niya naiintindihan ang mga tao doon, gayun din naman, hindi siya naiintindihan ng mga Cuyonon. Naranasan mo na ba ang maging dayuhan? Wala kang kaibigan o wala sa iyong makaintindi, na sa pagiging isang desperado, ibinaling mo na lang ang iyong atensyon sa isang bagay? Ito ang sitwasyon ni Alma, nakahanap ng kaibigan at kasakasama sa pamamagitan ng radyo. Ito lang naman kasi ang naiintindihan niya at ito lang naman ang magtitiyagang samahan siya buong araw. Ang radyo ang tangi niyang kakampi sa oras ng pag-iisa, ang takbuhan niya tuwing wala sa kanyang nakakaintindi at ang bagay na umaakap sa kanya sa tuwing wala sa kanyang umiintindi.

“Kung gusto ng asawa ko na dito ko...dito lang ako....kahit hindi ako naiintindihan ng mga tao.” Ang radyo ay isang mekanikal na bagay, kahit saan mo ipihit na istasyon, ito ay susunod. Ganito si Alma, dinala ng kabiyak sa isang lugar na bago sa kanya. Tulad nga ng sinabi ni Alma, kahit saan siya dalhin ng asawa ay ayos lang sa kanya. Wala siyang magagawa dahil mahal niya ang kanyang asawa.

III.

Bukod pa sa mga simbolo sa kabuuan ng pelikula, marami ding sosyo-kultural na bagay ang tinatalakay sa pelikula at binabagtas ang pelikula at marami sa mga ito ay nailahad sa maraming linya sa pelikula. Ang isang mahusay na pelikula ay nararapat lamang na mag-iwan ng aral, mag-abot ng pag-asa sa manonood at magmulat ng mga mata at isipan sa ilang isyung pampamayanan, pambansa at global.
Ito ang ginawa ng “Ploning.” Kaya naging matagumpay ang pelikula at napansin ito ng 81st Academy Awards ay isa itong pelikulang may vision; isa itong pelikulang may aspetong cultural. Pinakita nito ang mukha ny Cuyo…ang mukha ng isang pamayanan na nakabibighani at walang kaparis ang kagandahan.
Narito ang ilan sa mga isyu na ipinakita sa pelikulang “Ploning:”
“Hindi ba nakatutuwang isipin na alam ng anak ninyo ang gusto nya. Kung ano ang pangarap ni Siloy…yun na lang ang maging pangrap natin sa kanya.”
-Ploning

May mga pagkakataon na may gusto ang anak na salungat sa nais ng magulang sino ba dapat ang masunod? Tama si Ploning ng sinabi nito na maswerte sila Nieves at Toting dahil alam ng anak nilang si Siloy ang nais nito. May sarili itong plano sa buhay at may sariling pangarap na nais tuparin. Ang anak ay may sariling pangarap, may sariling buhay na kanya lamang at tanging siya lamang ang dapat masunod. Sa madaling salita, alam niya kung ano ang makakapagpasaya sa kanya, kung ano ang idinidikta ng puso niya at higit sa lahat may matatag siyang loob na ipaglaban ang nais niya.
Ang mga magulang ay nariyan lamang sa tabi upang magbigay-payo at patnubay sa anak. Suporta at dasal lamang ang tanging maibibigay ng magulang sa oras na alam na ng anak ang nais nitong mangyari sa buhay.


“Ang Maynila para lamang sa may mga hinahanap sa buhay. Ako nakita ko na ang hinahanap ko dito sa lugar natin. Para sa atin na nasanay na sa mabagal at tahimik na buhay....ang Maynila...magulo... nakakapagod, hindi komportable. At minsan sa sobrang ingay di mo na naririnig ang sarili mo. Pag nakapunta ka na ng Maynila o kung saan man... nakalabas ka ng Cuyo...maiintindihan mo na ang sinasabi ko.”
Para sa marami lalo na sa mga taga-probinsiya, ang Maynila ay paraíso at isang lupang pangako...lugar ng oportunidad at ng bukas. Ngunit, maraming tao na ng mapadpad sa Maynila ay pinagbago na. Madalas dahil sa pange-engganyo ng mga nasa paligid, nakakalimutan na natin o kaya ay nasusupil ng ingay ng lungsod ang boses sa loob natin. Ang Maynila, kung tunay kang pagpapalain ay paraiso ang dulot, ngunit kung ikaw ay mahina, walang tiwala sa sarili at magpapadala sa buyo ng ibang tao, lalamunin ka nito patungo sa impyerno.

“Kung ang barkong ‘yan, di ko pinabayaan…ikaw pa kayang anak ko?”


Minsan nagkakasala ang anak sa ama o kaya naman ay nakakagawa tayong mga anak ng mga bagay na makasisira sa tiwalang ibinigay nila. Ngunit sabi nga nila, sa dulo ng lahat ang magulang ay magulang pa rin at walang sino man, ano man at pagkakataong makapagbabaligtad niyan. Sa kabila ng pagkakasala, ang pagmamahal at pag-unawa ng magulang ay higit na mas malakasa kaysa galit at dismaya na nararamdaman ng magulang sa anak.
Ngayon, higit sa lahat ng panahon, kailangang ang suporta at pag-alalay ng mga magulang. Ngayon, marami na ang maaaring makaimpluwensya sa mga kabataan, kaya naman dapat na maging vigilant ang mga magulang.


“Kung gusto ng asawa ko na dito ko...dito lang ako....kahit hindi ako naiintindihan ng mga tao.” Sa isang patriarkal na bansa tulad ng atin, saan nga ba ang lugar ng mga kababaihan sa lipunan. Ating napag-aralan na sa sitwasyon ng di pagkakaintindihan ng mag-asawa, ang lalaki ang nasusunod. Si Alma, sa tindi ng pagmamahal sa asawa, ay piniling tumira sa isang lugar na wala siyang anumang alam, walang kakilala at walang kaibigan. Tila isang pagpapatiwakal ang ginawa niya. Minsan ang mga babae ay nagigiging sunod-sunuran...sunod-sunuran sa asawa.
Sa ating lipunan, kahit papaano ay nabibigyan na ng kapangyarihan ang mga babae


“Maraming Cuyonon ang mangingisda, kasi marunong silang lumangoy. Kung di ka marunong… di ka Cuyonon.”
Isang importante na okasyon ang esposada…doon nagkakakilala ang mga kamag-anak ng ikakasal. Hindi lang handaan ang esposada. Nangangahulugan ito ng pagtalikod ng babae sa kanyang pagkadalaga.”
“Hindi malungkot ang esposada. Pinakamasaya para sa mga magulang na may magamamahal at mag-aalaga sa anak niya.”
-Tatay Susing May tatak ang bawat lugar. Maaari itong produkto o kaya ay pook, kaugalian o kaya naman ay kultura. Matagumpay ang “Ploning” na maipakita ang kultura sa Cuyo. Ang bawat bata sa Cuyo ay tinuturuan na lumangoy dahil panggingisda ang pangunahing pinagkukunan ng ikabubuhay sa pook. Sa isang eksena, tinanong ni Juaning kay Veling kung malapit ng maging Cuyonon si Digo, at positibo ang naging sagot ng binata. Sinabi nito na malapit ng matutong lumangoy si Digo kaya malapit na ring isilang ang isang Cuyonon.


Isang kulturang ipinakita sa pelikula ay ang kaugalian sa Cuyo na kung tawagin ay esposada. Dito nagkakadaupang-palad ang pamilya ng babae at ng lalaking ikakasal. Dito sumasayaw sila ng “suring,” isang sayaw sa Cuyo sa Palawan. Mahalaga daw ang esposada dahil ito na yata ang katuparan ng pangarap ng magulang sa anak—ang makitang masaya ang kanilang anak sa piling ng taong mamahalin ito at aalagaan. Ito ay nangngahulugan din ng “pag-papaubaya” at “pagpapasa ng responsibilidad” ng magulang sa magiging kabiyak. Ito rin ay masasabing pagpapakilala ng sa bagong kasal sa lipunan. Halos kasi buong barangay ay dumadalo sa esposada upang saksihan ang pag-usbong ng bagong pag-ibig.

Pagtawag sa palayaw:

Sa isla ng Cuyo, walang tumatawag sa totoong pangalan, lahat sila ay may palayaw. Sa kulturang Pilipino, mahilig tayong magbigay ng mga palayaw. Masasabing ang pagtawag sa mga palayaw ay very “personal” ang dating. Masyadong pormal kasi pagtinatawag ka sa iyong totoong pangalan. Impersonal at pormal naman kapag iyong totoong pangalan ka tinatawag.
Ang bawat palayaw ay may istorya, may kuwento sa likod ng mga ito at ang mga taong tumatawag sa palayaw mo, ibig sabihin nito, hinayaan ka niyang dumating sa buhay mo at sa parehong paraan na hinayaan mo siyang pumasok sa iyo. Ang palayaw mo ang maaalala nila habang ikaw ay nabubuhay at gayun din sa iyong pagpanaw.

Hindi pagpansin ng Ministry of Health sa Cuyo

Si Celeste, isang nurse na nadestino sa Cuyo noong 1982 ay dumating sa isla kung kailan may epidemya na malaria sa “Mainland Palawan.” Sa isang pakikipagtalo sa isang binatilyo, sinabi niya na sana nga ay may malaria na lang sa Cuyo at ng hindi puro aspirin at bulak lang ang laman ng health center nila.
Sa buong Pilipinas, marami ang nasa parehong sitwasyon ng Cuyo. Walang gamot at walang pasilidad sa center upang tugunan ang pangangailangan ng mga residente. Kung tutuusin, lahat ay may karapatan na makakuha ng libreng serbisyo para sa kanilang kalusugan. Maraming kaso na rin ang nabalita kung saan maraming kabataan at sanggol ang namamatay dahil sa kakulangan ng serbisyo sa health center.

“Hindi kita lulunurin…kapatid kita…”



Ipinakita ng pelikula kung paano ba dapat ang relasyon ng isang magkapatid. Ang nakatatanda ang siyang inatasan upang turuan, alagaan at ihanda ang nakababatang kapatid upang sa paglaki nito ay maging malakas siya at maging isang responsable. Kahit kailan, hindi maaaring pabayaan o hayaang mapasama ng isang kuya o ate ang kanyang bunso. Ganito sina Veling at Digo. Si Veling halos ang naging ama ni Digo dahil iniwan sila ng kanilang ama at baldado naman ang ina.

Ilegal na panghuhuli ng isda

Si Tsuy na siyang nakakuha kay Digo noong araw na mawala ito ay kapitan ng isang barko na nanghuhuli ng isda ng walang papeles o dokumento. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nasa ganitong uri ng pangangalakal. Sari-sari ang dahilan, bakit nga ba kailangan mo pang magbayad ng tax kung maaari namang hindi? Bakit nga ba magbabayad ka pa sa gobyerno kung pwede namang takasan ito? Ngayon, ito ay ilan sa mga pangunahing dahilan kaya naman nalulugi ang gobyerno ng milyon-milyon.
Ngunit sa huli, nag-iwan naman ng resolusyon ang pelikula. Nais na ni Tsuy na maging ligal ang lahat. Mahirap daw ang tago ng tago o ang takas ng takas. Marahil ay malaki din ang naging papel ni Digo upang mabago ang paniniwala ni Tsuy. Malaki ang impluwensya kay Tsuy ni Digo, ang para sa kanya ay ang pinaka malaki niyang huli.


IV.

Kapuri-puri ang unang eksena o ang introduksyon ng pelikula. Mga lumulutang na ilaw...isang nag-iibigan na ipinamamalas ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa...at isang dalampasigang maalon ngunit mapayapa sa pakiramdam. Ang paggamit ng flashback upang ihayag ang ilang mahalagang bagay at pangyayari sa obra ay kahanga-hanga. Ang paglabas ni Ploning sa gitna ng mga sumasayaw sa pelikula at ang paglipat mula sa isang panahon patungo sa kasalukuyan ay maituturing na seamless transition.
Napamalas din ng pelikula ang magandang cinematography. Dahil dito, halos mapapaibig ka sa ganda ng tanawin at mahahalina ka sa kaaya-ayang kultura ng Cuyo. Marahil, bukod sa kuwento, tunay na kaabang-abang din ang magagandang kuha ng direktor sa kanyang lente. Mabubusog ka sa ganda ng iyong mapapanood. Hindi rin mapapasinungalingan na maganda rin ang ilaw sa pelikula kahit na ito ay experimental na pelikula.
Wala ding pagtatalo kung bakit “Ploning” ang titulo ng pelikula. Ito ay kuwento ni Ploning...ng isang babaeng kasing-halaga ng ulan para sa mga nakakakilala sa kanya...ng kanyang pag-ibig...ng kanyang pag-hihintay at higit sa lahat ng kanyang kakayahang magsakripisyo para sa ikasasaya ng iba. Bagama’t itong pelikula ay hindi lamang sumasalamin kay Ploning, gayun pa man halos lahat ng nasa paligid niya ay nahihipo ng buhay niya, ng mga gawa niya at ng buo niyang pagkatao.
Dapat din nating papurihan ang mga naghanda ng props at ng set ng pelikula. Kanilang pinagbago ang katauhan ng mag artistang gumanap sa pelikula upang ang makita ng mga manonood ay si Ploning at hindi si Judy Ann Santos, si Intang at hindi si Gina Pareno na aktres o si Nieves at hindi si Ces Quesada. Ang kanilang mga kasuotan ay pinag-isipan din upang itugma sa panahon kung kailan nangyari ang pelikula.
Sa kabuuan ng pelikula nabusog din ako sa maraming dayalogo na kapupulutan ng aral. Halimbawa, sa eksena nina Veling at Digo, sinabi ng nakakatanda na “ang bilis [ng balsa] ay depende sa nagsasagwan at sa alon.” Sa buhay, tunay naman na nakadepende sa iyo ang iyong patutunguhan, ang bilis. Ito rin ay depende sa Diyos (ang alon sa halimbawa) na siya namang susubok sa iyong katatagan. Isa ring magandang linya ay ang binitawan ng bida, si Ploning. Sinagot niya si Celeste na nagtanong na kung may asawa ka nga pero hindi mo naman ito kasama, ano ang tawag doon? Sinagot siya ng ganito ni Ploning: “nagmamahal... kasi ang nagmamahal…nagtitiwala.” Sa isang relasyon, mahalaga ang tiwala. Ito ang puwersang aagapay upang maipagpatuloy ang relasyon. Sabi nga nila ang katumbas ng pagmamahal ang pagtitiwala at sa parehong paraan, ang pagtitiwala ay pagmamahal.
Hindi rin naman papahuli si Mao Sei/Rodrigo. Sinabi niya na“di nagbabago ang isang lugar... tao, tao ang nagbabago. Tao rin ang nagdedesisyon kung para sa masama o sa mabuti ang pagbabago.” Ito ay katotohanan. Ang tao ang may hawak ng sagwan, ng manibela. Nasa kanya ang pagpapasya kung ang pagbabagong gagawin niya ay para sa masama o para sa mabuti. Kapupulutan din ng aral ang sinabi ni Celeste na “...kung minsan…mas maraming nasasabing kapanipaniwala ang katahimikan.” Magulo ang mundo...maingay at nakabibingi. Sa ilang oras ng katahimikan, naroon karaniwan ang katotohanan. Minsan din sa buhay, hindi nadadaan ang lahat sa salita, bagkus sa pag-gawa. Ang isa pa na tumatak sa akin ay ang sinabi niya na “Dalawa lang naman ang nangyayari sa taong lumulundag ng may tiwala sa Diyos eh… sinasalo niya…o tinutuuruan niyang lumipad.” Huwag dapat tayong matakot sumugal, ang Diyos ang sasalo sa atin kung sakali man na tayo ay mahulog o di kaya bibigyan niya tayo ng mga pakpak upang liparin ang hangganan ng himpapawirin.
Bukod pa rito, mahusay na nailapat ang folksong upang ito ay maging akma sa ilang eksena sa pelikula. Nagustuhan ko rin ang ilang didaktikong tema ng pelikula at ang mahusay na pag-papaimbabaw nito sa maraming isyu ng pelikula. Kung bibigyan ito ng marka sa iskalang 1 hanggang 10, kung saan 10 ang pinakamataas, masasabing karapat-dapat ang markang 9.