Saturday, February 28, 2009

DALUYONG


DALUYONG


ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAYAG.
MINSAN AY TILA ANAS, TAHIMIK AT MAPAYAPA…
NGUNIT MALIMIT HINAHAMPAS NG MAPANG-GULANIT NA DALUYONG.



SA paglalakbay sa malawak na karagatan ng buhay, ang naglalayag ay madalas ginigitla ng mga alimbukay na tila iniiikid ng isang sigwa sa karagatan. Ang bawat moog ng ating mga katauhan ay malimit na pinapatahip ng malalakas na hihip ng dati ay hanging palay-palay, kalmado at dalisay ang pagtampal sa ating pisngi ngunit sa huli ay nagbugso ng buhawi upang bumuo ng kaginsa-ginsang daluyong.
ANG daluyong ay isang malalakas na alon na maaaring bunsod ng sigwa o malakas na bagyo sa karagatan. Sa bawat hihip ng hangin, ang daluyong ay tila wumawasak sa ating mga katauhang lukuban man natin ng mahuhusay na pananggalang, pilit na lalamatan ng paghampas ng alon. Bawat malakas na daluyong ay tila pinaparupok ang ating kakayahan, ang ating pananampalataya at ang ating buhay sa kabuuan.
HINDI mapasisinungalingan na sa ating paglalayag, madalas kaakibat ng mapanggulanit at mapanirang daluyong, tayo ay hinahadlangan ng pusikit na suob...humaharang...at tila sagwil sa ating daraanan. Ngunit hangga’t buo ang iyong kalooban na sapitin ang iyong nais kahantungan at hangga’t naaaninagan mo ang estrelyang iyong gabay, kahit ano pa ang unos at kahit gaano pa kalakas ang mga daluyong, wala sa iyong makapipigil...walang makapagwawaksi sa’yo sa sarili mong pangarap, walang makakapag-walay sa iyo sa pag-asa na iyong pinanghahawakan at walang makapipigi sa iyong patuloy na pagsuong sa digmaan ng buhay.
Minsan kay sarap pagmasdan ang bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Ang mga marka nitong iniwan na masarap ding balikan ay nagdudulot ng pakaramdam na tila ikapitong-langit ang dulot. Kay sarap alalahanin ang mga alimbukay ng tubig na nagpatatag sa iyo; mga hambalos at lagitik na nagpabuti sa iyo bilang tao; mga hampas na nagpaibayo sa iyong kakayahang lumaban, suungin ang nasa dakong kahit kailan ay hindi mo pa naparoonan, manampalataya, magtiwala, magbigay at umibig. Ngunit di naman miminsan na ito ay nagdala ng pagdadalamhati at kapighatian sa bawat isa sa atin. Ang bawat daluyong na minsan ay naging kaibigan, ngayon ay tila isang unos na sumusubok patayin ang esperma na nagbibigay pag-asa at liwanag sa atin. Isang taksil na kaibigan...umaawit ng agunyas...musika ng kapighatian...tugtugin ng kamatayan. Sa aking sapantaha kaibigan man o kaaway ang daluyong ay nasa tumatanggap nito.
ANG bawat hampas ng alon sa buhay ay hindi maiiwasan. Ito ay tila kahiramang-suklay na kasakasama sa ating bawat pagpapagal sa buhay. Ang alon...ang mga sigwa sa karagatan...ang daluyong....ang lahat ng ito ay makikita sa karagatan at hindi maikukubling lahat ito ay nararamdaman at pinakikisamahan rin natin sa buhay. Sabi nga nila hangarin man natin, kahit kailan ay hindi natin matuturuan kung saang direksyon iihip ang hangin o kung gaanong unos ang dulot nito at kung gaano katataas na daluyong ang idudulot nito ngunit maaari naman nating rendahan ang ating paglalayag. May sandaling dapat sumabay sa direksyon ng hangin upang hindi tamaan ng malalakas na alon, subalit kadalasa’y dapat itong suwayin at indahin ang mga kaakibat na alon nito.

2 comments:

  1. Mahusay ang ginawang pagpapaliwanag.100%

    ReplyDelete
  2. Higit sanang maganda kung dinagdagan pa ang pagpapatunay sa ginawang pagsusuri sa estilo ng manunulat. 95%

    ReplyDelete