Tuesday, March 10, 2009

Isang Panunuring Pandulaan Batay sa “Kabugan”

Ang Teatro Tomasino, ang premyadong lupong panteatro ng Unibersidad ng Santo Tomas, kamakailan ay nagpalabas ng isang twin-bill na presentasyon. Ayon sa mensahe ni Fr. Rolando V. De la Rosa, ito ang ikalawang pangunahin o major na pagtatanggal ng grupo sa ika-31 nitong taon.

Kilala ang Teatro pagbibigay ng mga makabuluhan, magaganda at talaga namang maipagmamalaking mga pagtatanghal. Ito ay isang konstruktibong pagpuna sa kanilang ginawang pagtatanghal. Maaari kong sabihin sa kawalan ng mga tama at mas angkop na salita na hindi ganito ang aking inasahan mula sa Teatro. Maraming bahay sa kanilang pagtatanghal ang hindi ko lubusang naunawaan. Una, hindi klaro kung ano ang tema ng “Kabugagan.” Aking nabasa sa mensahe ni John Lapus, kanilang Professional Adviser sa loob na ng sampung taon, na naisip nila na gawing titulo ang kabugan matapos malaman na twin bill ang kanilang gagawin. Nasabi niya na naging titulo na nila ang “Dalawahan,” “ Back2Back,” “Twoseome,” at iba pa. Naisip niya na sa tuwing gagawa sila ng ganitong klaseng produksyon, madalas magkaiba ng direktor ang mga presentasyon at magsisiganap, kaya naman hindi maiiwasan na magkabugan sila. Bukod dito, wala naman talagang koneksyon ang mga kuwento sa titulo ng palabas at wala din namang relasyon o pagkakatulad sa tema ang dalawang produksyon.

Mas naibigan ko ang unang presentasyon. Ang titulo nito ay “Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon.” Nakaka-aliw panoorin ang mga nagsisiganap at mahiwaga din ang kanilang pagkatao. Sa tingin ko, sinadya ng manunulat na huwag bigyan ng pangalan ang dalawang bida at itago na lang ito bilang si babae at si lalake. Sa literatura, mahalaga ang pangalan dahil marami itong simbolo o pinapahiwatig. Sa sitwasyong walang pangalan, tago ang identidad o pagkatao ng mga bida. Ito ay mahalaga dahil hindi naman talaga lubusang nagkakilala ang dalawang bida. Sa huling bahagi ng dula, hindi pa rin nakuha ng babae ang hinihingi nitong sagot mula sa lalake gaya ng pangalan nito at kung totoo ba ang sinabi nito tungkol sa kapatid ng lalake na si Lulubelle. Nahuli silang dalawa ng asawa ng lalaki at binaril. Matatandaan na naikuwento ni lalake kay babae na ang kapatid niya ay kinagat ng oso sa zoo at ito ay tinubuan ng balahibo sa buo nitong katawan.

Masaya, nakaka-aliw at kung titingnan sa aspetong pag-bibigay ng saya, pasado naman ang palabas. Ngunit, ito ay ginawa ng isang prestihiyosong lupon ng mga nagtatanghal. Masakit mang marinig, hindi gaanong malalim ang kuwento at bukod sa pagbibigay-aliw wala na itong maibibigay sa manonood. Kung may aral man, marahil ay limitado sa konteksto ng bawal at imposibleng pag-ibig. Bilang Tomasino, nakalulungkot sabihin na wala din akong nakitang Thomasian values sa dula. Gayun pa man, tulad nga ng aking nabanggit ay kapuri-puri ang naging pagganap ng dalawang bida. Marahil ang puna ko lamang ay sana iniklian ang mga sandaling blangko o “dead air.” Marami kasing sandali na masyadong matagal ang paghinto ng dalawa kaya parang mapapaisip ka kung “ano ba tapos nab a ang kuwento?” Maganda rin ang “backdrop” ngunit sana ay mas may espasyo pa upang mas nalakihan ang tulay.

Sa aspetong teknikal, malalim na istorya, marahil ay kinabog ng “Anino” ang nauna. Maraming isyung panlipunan ang maipakita sa dula gaya ng pakikiapid ng isang babae sa anak ng bago niyang napangasawa, ang pagpatay makuha lamang ang naisin, at ang resolusyon sa hulo na paghihiganti upang mabura ang kasalanan. Malalim na istorya, pagpapakita ng ilang aspetong kultural at isyung panlipunan…ang mga ito ang dahilan upang maging maganda ang dula at maging makabuluhan at ito nga ay naipakita ng dula kahit papano.

Namangha ako ng aking nalaman na “Palanca Memorial Awards for Literature” awardee pala ang “Anino” noong 2000. Ginamit ng sumulat na si Allan B. Lopez ang tradisyunal at konbensyunal na paksa at porma ayon sa kanya. Isa daw itong pormalistikong akda na magakahalong simple dahil madali itong intindihin at complex naman dahil marami at sanga-sanga ang dapat intindihin.

Ang aking puna nga lang ay may mga ilang sandali na mawawala ang pokus mo sa dula at ilang sandali rin na nakakabagot ito. Mahusay naman ang pag-arte ng mga gumanap at sa aspetong teknikal, humanga ako sa paggamit nila ng “black light.” Mahusay din ang paglapat ng background music upang maipadama ang mood ng eksena.

Sa kabuuan, kahit na maraming puna sa dalawang dula at ito ang tumatak sa maraming taga-panood, sana ay maging leksyon ito sa Teatro at magsilbi itong hamon para sa mas marami pa nilag gagawing presentasyon. Inaasahan ko ang mas maganda, mas malalim at mas makabuluhang kuwento buhat sa kanila.

Nakalulungkot man isipin na marami ang hindi gaanong nasiyahan sa dula, at maraming kritisismo ang naibigay sa presentasyon, sana ay tanggapin ito bilang payo ng Teatro. Hindi nito layunin na siraan sila o ipahiya. Sabi nga sa ingles “I know that they are beyond that.” Alam kong higit pa doon ang kaya nilang gawin.

Gayun pa man, nais ko pa ring saluduhan ang lahat ng nagbigay ng oras, panahon, puso at ideya para sa dalawang presentasyon. Kung tutuusin, wala naman dapat umangat sa dalawa dahil sigurado ako na pareho silang nagtulungan at nagbigay ng parehong lebel ng pagtitiyaga at paghihirap upang mabigyan ng magandang panoorin ang lahat ng Tomasino. Mataas pa rin ang respeto ko sa mga taga-Teatro at patuloy ko pa ring susuportahan ang kanilang mga proyekto dahil naniniwala ako na marami pa silang kayang gawin at higit sa lahat magagaling sila bilang miyembro ng Tomasinong pamayanan.

1 comment:

  1. mahusay ang pagpapaliwanag ng pagsusuri. maging maingat lamang sa pagbabaybay ng mga salita. 97%

    ReplyDelete